Isang koleksiyon ng mga kuwentong naglalayong magbigay ng kaalaman, magpalalim ng pag-unawa, at humikayat ng mas inklusibong pananaw.
Ako ay Isang Paru-paro ay kuwento ni Mariposa, isang batang may vitiligo na unti-unting natutong tanggapin ang kanyang sarili sa pamamagitan ng sining, pag-unawa, at kabutihan ng mga taong nasa paligid niya. Sa kanyang paglalakbay, natutunan niyang ang bawat pagkakaiba ay may sariling kagandahan at hindi dapat maging dahilan ng paghusga o paglayo.
Gamit ang paru-paro bilang simbolo ng katatagan, pagbabago, at pagkakaiba-iba, layunin ng aklat na magbigay ng tamang kaalaman tungkol sa vitiligo at hikayatin ang mga kabataang maging mas maunawain, mapagmalasakit, at bukas sa pagtanggap sa bawat isa.
Sa panayam na ito, ibinabahagi ni Ma’am Danica ang kanyang personal na karanasan sa pamumuhay na may vitiligo, kabilang ang mga hamon, maling akalang kanyang naranasan, at ang mga aral na kanyang natutuhan sa paglipas ng panahon. Sa pamamagitan ng kanyang kuwento, layunin ng panayam na magbigay ng mas malalim na pag-unawa tungkol sa vitiligo, hikayatin ang pagtanggap sa sarili at sa iba, at ipakita na ang kondisyon ay hindi hadlang sa kakayahan, pangarap, at pagkatao ng isang tao.
Si Ma’am Danica ang isa sa mga naging inspirasyon sa pagbuo ng kuwentong ito at ng buong proyekto. Sa aming pagbisita sa Silangan National High School, nagkaroon kami ng pagkakataong makilala siya, obserbahan ang kaniyang klase, at malaman kung paano niya hinaharap ang iba’t ibang karanasan bilang isang guro.
Sa pamamagitan ng aming pakikipag-usap sa kaniya, mas naunawaan namin ang kahalagahan ng paglikha ng isang ligtas at inklusibong kapaligiran para sa mga estudyante—lalo na sa pagharap sa mga tanong tungkol sa vitiligo, maling paniniwala, at pang-aasar o bullying. Ang kaniyang paraan ng pagtuturo at pagbibigay ng pag-unawa ang naging inspirasyon upang maisulat ang kuwentong naglalayong ipakita na ang pagkakaiba ay hindi dapat maging dahilan upang mawalan ng tiwala sa sarili.
Ang proyektong ito ay iniaalay sa mga gurong patuloy na nagbibigay ng kaalaman, suporta, at pagtanggap sa kanilang mga estudyante.